MORE THAN JUST GIGS: BAGONG BILL, TITIYAK NG HAZARD PAY AT NIGHT SHIFT DIFFERENTIAL PARA SA 1.5 MILYONG PINOY FREELANCERS
Isinusulong sa House of Representatives ang isang panukalang batas na naglalayong magbigay ng mas matibay na legal na proteksyon, patas na kompensasyon, at mga benepisyo tulad ng hazard pay at night shift differential para sa tinatayang 1.5 milyong Filipino freelancers sa buong bansa.

Sa ilalim ng House Bill No. 17 o Freelance Workers Protection Act, na inihain ni Speaker Martin Romualdez, layunin ng panukala na tugunan ang matagal nang problema ng mga freelancer na madalas ma-underpay, ma-delay ang bayad, o tuluyang hindi mabayaran dahil sa kawalan ng malinaw na kasunduan sa kanilang mga kliyente.
Ayon kay Romualdez, panahon na upang higit na kilalanin ang mahalagang papel ng freelancing sector sa ekonomiya habang tinitiyak na may sapat na proteksyon ang mga manggagawang bumubuo rito. Aniya, marami pa ring freelancer ang nagtatrabaho nang walang malinaw na legal na pananggalang, kaya mas madali silang naaabuso at nabibiktima ng hindi pagbabayad sa kanilang pinaghirapang serbisyo.
“It is high time we put teeth into the law to protect our freelancers. Hindi lamang sila ordinaryong alternative workers; sila ay isa sa mga primary pillars ng ating modernong ekonomiya, at nararapat lamang na makatanggap sila ng sapat na legal protection at fair compensation,” pahayag ni Romualdez.
Isa sa mga pangunahing probisyon ng HB 17 ang pag-oobliga sa pagkakaroon ng written contract bago magsimula ang anumang freelance engagement. Layunin nitong maging malinaw ang saklaw ng trabaho, napagkasunduang bayad, iskedyul ng pagbabayad, at iba pang obligasyon ng freelancer at ng kliyente upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.
Inaatasan din ng panukala ang mga kliyente na magbigay ng hindi bababa sa 30% down payment ng kabuuang contract value bilang paunang garantiya ng kanilang commitment sa napagkasunduang proyekto.
Bukod dito, kinikilala rin ng panukala ang pangangailangang mabigyan ng karampatang kompensasyon ang mga freelancer na nagtatrabaho sa mga espesyal na sitwasyon. Kabilang dito ang night shift differential para sa mga regular na nagtatrabaho sa graveyard shift at hazard pay para sa mga gawaing may kaakibat na panganib sa kanilang kaligtasan at kalusugan.
Upang matiyak ang pagsunod sa mga probisyon ng batas, nagtatakda rin ang HB 17 ng kaukulang penalties at fines laban sa mga kliyente o employer na lalabag sa mga itinakdang obligasyon.
Sa patuloy na pagdami ng mga Pilipinong pumapasok sa freelancing, inaasahang makatutulong ang panukalang batas na magtakda ng mas malinaw na pamantayan sa pagitan ng freelancers at kanilang mga kliyente, habang pinapalakas ang proteksyon para sa isa sa pinakamabilis na lumalaking sektor ng bansa.